Ang Gabay-listahan sa Pagwawakas ng Paniniil
Sa panahong ito, ang pinakamapanganib na labanan sa mundo ay hindi labanan sa pagitan ng mga estado kundi ang labanan sa loob mismo ng estado, sa pagitan ng mga maniniil at ng mga taong kanilang inaapi. Malawak ang paniniwala na ang mga inaaping mamamayan ay mayroon lamang dalawang pagpipilian: ang hayaan ang paniniil at umasang ito ay mababawasan, o ang maglunsad ng marahas na insureksiyon upang makamit ang kalayaan. Ang limitadong pananaw na ito ay sinasalungat ng katotohanan na ang mga kampanya ng panlipunang pagtutol (na tinatawag rin minsan na kilusang “people power” o di marahas na salungatan) ay madalas nang nangyari kaysa nabatid. Simula noong 1900, nagkaroon na ng humigit-kumulang isang malaking kampanya kada taon ng panlipunang pagtutol laban sa nakaupong diktador. Ang mga kilusang ito na pinangungunahan ng mga mamamayan ay patuloy na nakapagtakda ng mga resulta ng mga mahalagang geopolitikal na tunggalian at demokratikong pagbabagong-kalagayan simula 1972. Sa kabila nito, ang mga taga-gawa ng mga polisiya, mga iskolar, mga mamamahayag, at iba pang mga interesadong tagamasid ay patuloy na minamaliit ang kakayanang ito ng mga karaniwang mamamayan na paguhuin ang paniniil at makamit ang kanilang mga karapatan nang walang karahasan.
Editors: Mathew Burrows and Maria J. Stephan
The Atlantic Council, Washington, DC — 2015
Translation: Henry Cruz, July 2020 (Edited by Xavier Alpasa)