Ano Ang Panlipunang Pagtanggi (Civil Resistance)
Ang panlipunang pagtanggi (civil resistance) ay isang paraan upang maipaglaban ng mga karaniwang mamamayan ang kanilang mga karapatan, kalayaan at katarungan nang hindi gumagamit ng dahas. Gumagamit ang mga mamamayang bahagi ng panlipunang pagtanggi ng iba’t ibang taktika tulad ng mga welga, pagboykot, kilos-protesta, at iba pang pagkilos, upang magdulot ng malawakang pagbabagong panlipunan, pampolitika, o pang-ekonomiya. Kilala ang panlipunang pagtanggi sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa maraming pangalan – di-marahas na pakikihamok, tuwirang aksyon, lakas ng bayan, politikal na pagsalansanig, panlipunang mobilisasyon – ngunit anumang termino ang gamitin, nananatiling ganap o litaw sa lahat ang mga mahahalagang dinamika ng panlipunang pagtanggi.
Makapangyarihan ang mga kilusan ng panlipunang pagtanggi sapagkat kaya nitong himukin ang partisipasyon ng mga mamamayan sa mga pagkilos upang labanan ang pang-aapi sa pamamagitan ng paghahandog ng alternatibong pananaw ng higit na malaya at patas na lipunan. May posibilidad rin na mabaligtad nito ang katapatan ng mga tagapagtanggol ng bulok na sistema. Kapag hindi na nakikipagtulungan ang sambayanan sa mga pinunong mapang-api, nagiging mas mahirap para sa mga pinunong ito na paganahin ang sistema. Kapag sumasapat na ang bilang ng mga mamamayang sumusuway sa mga pinunong ito, maaaring humina ang sistema hanggang sa tuluyan itong magbago o bumagsak. Kahit pa lubos na armado o may pinagkukunang-pondo ang mga katunggali ng mga kilusan ng panlipunang pagtanggi, kadalasa’y hindi nila napapantayan ang pangmatagalan at malawakang pagsuway ng sambayanang dulot ng mga estratehiko at kalat na pagkilos ng di-marahas na pagsalungat sa sistema.
Translation: Xavier Alvaran, January 2017